title




Katayuan at Ambag ng Linggwisktiks sa Pilipinas (1898-1998)

by Jessie Grace U. Rubrico

Ang mga pag-aaral sa mga wika sa Pilipinas ay maaring hatiin sa peryodisasyong (a) 1565 -1898 --mahigit na 300 taon, bago natin nakamtan ang kalayaan-- at (b) 1898-1998, isang daang taon pagkatapos nating matamo ang ating kalayaan. Layunin ng pag-aaral na ito ang pagsuri sa katayuan at ambag ng linggwistiks sa lipunang Pilipino sa loob ng dantaong ito.

Mga Pag-aaral Panahon ng mga Kastila (1565-1898)

Karamihan sa mga naunang pag-aaral sa mga wika sa Pilipinas ay ginawa ng mga prayle upang magampanan ang kanilang misyon na gawing Kristiyano ang mga tao sa Pilipinas. Kaya hindi nakapagtataka na ang unang publikasyon ay ang Doctrina Cristiana sa wikang Tagalog -na nalimbag noong 1593 - at iba pang mga babasahin na may kaugnayan sa misa at sa pananampalataya at katesismo. Sila ay nagpalabas rin ng mga diksyunario, mga libro sa gramatika ng mga wika na kanilang pinag-aralan.

Marami ang pag-aaral na nagawa sa wikang Tagalog. Sa pagitan ng mga taong 1593 at 1648, may mga 24 na libro na ang nalimbag sa wikang Tagalog; lima sa Bisaya; tatlo sa Pampango, dalawa sa Bikol; at isa sa Ilokano. Ang unang libro sa Pangasinense ay nalimbag sa taong 1689.

Marami pang mga libro sa gramatika, bokabularyo, at iba pang babasahin at pag-aaral ang nalimbag pagkatapos nito dahil sa pagkakaroon ng imprenta sa apat na orden ng mga prayle na itinalaga sa iba’t ibang parte ng Pilipinas batay sa hatian sa Pilipinas noong taong 1594. Ang Dominican na itinalaga sa Pangasinan at Cagayan ay nagkaroon ng sariling imprenta sa 1593, ang mga Franciscan naman sa Camarines ay nagkaroon nito noong 1606, ang mga Heswita na siyang kahati sa mga Agustinian sa kapuluan ng Bisaya ay nakapagtatag nito sa 1610, at ang mga Agustinian na siya ring may hawak sa Ilocos at Pampanga may imprenta na sa 1618.

Si Juan de Plasencia, na sakop sa ordeng Franciscan, ay inatasang gumawa ng gramatika, diksyunaryo at katesismo sa Tagalog sa taong 1580. Katulong niya dito si Miguel de Talavera, isang Kastila na nanirahan sa Pilipinas. Naging pari din si Talavera. Pinaniniwalaang ang Doctrina Cristiana na nalimbag sa 1593 ay nanggaling sa katesismong ginawa niya at inihanda para sa imprenta ni Fra Juan de Oliver. Si Oliver ay siya ring sumulat sa Doctrina Cristiana sa Bikol.

Sina Francisco Lopez at Pedro de la Cruz Avila ay mga Agustinian na gumawa ng gramatika at diksyonaryo ng Ilokano. Ang mga prayleng Dominican na sina Ambrosio Martinez de la Madre de Dios, Jacinto Pardo at Jose Bugarin ang gumawa ng gramatika at diksyonaryo ng Ibanag.

Ang mga pag-aaral sa gramatika at bokabularyo ng Bisaya ay pinangungunahan nina Francisco Encina, Alonso de Mentrida, Julian Martin, Juan Felix de la Encarnacion at iba pang mga Agustinian; at ang mga Heswitang sina Cristobal Jimenez, Pedro Oriol, Mateo Sanchez, Juan Antonio Campeon, atbp. Ang mga katesismo, gramatika, mga sermon, at diksyonaryo ng Pampango ay naisagawa naman ng mga prayleng Agustino tulad nina Diego de Ochao, Francisco Coronel, Juan de Medina, atbp.

Ang iba pang mga pag-aaral na nagawa sa panahong ito ay ang sumusunod: (a) circa 1500 -Pangasinan dictionary (Castellano), Arte, vocabulario y confesionario Pampango (Ochoa), Arte y vocabulario Tagalo at Diccionario Hispano-Tagalog (Plasencia), Arte y vocabulario Tagala (Quiñones), Diccionario Tagalog-Español (Oliver); (b) circa 1600 -Vocabulario Ilocano (Avila), Arte de la lengua Igolata (Marin), Arte y diccionario de la lengua Ibanag (Martinez de la Madre de Dios), Diccionario del idioma Tagalog (Montes y Escamilla), Vocabulario de la lengua Tagala (San Buenaventura); (c) circa 1700 - Tesauro de la lengua de Pangasinan, Vocabulario de la lengua Pampanga (Bergaño), Tesauro vocabulario de la lengua Yloca y Castellano (Caro), Vocabulario de la lengua Tagala (Noceda), Diccionario del dialecto Zambal (San Damian), Vocabulario de la lengua Bisaya-Samar-Leyte (Sanchez), Vocabulario de la lengua Tagala (Sanlucar), Diccionario del idioma de los Aetas (Santa Rosa), Diccionario Ilocano (Serrano), Diccionario Castellano-Calamiano-Castellano (Virgen de Monserrate), Diccionario de la lengua Ibanag (Ynigues); (d) circa 1800- mga diksyonario o bokabulario sa Batan-Castellano, Tiruray-Español (Bencuchillo at Bennasar), Bisaya (Aparicio), Tagalo-Aleman (Blumentritt), Visaya-Castellano (Monasterio), Ibanag-Español (Bugarin, Rodriguez), Español-Ibanag (Payo), Vocabulario Ibanag (Gayacao), Iloco-Español (Carro), Iloco-Castellano (Inderias y Viso), Isinay-Español (Vasquez), Pangasinan-Español (Cosgaya, Villanueva), Castellano-Pangasinan (Macaraeg), English-Sulu-Malay (Cowie), Tagalo-Castellano (Fernandez Luciano, Martin), Hispano-Tagalog (Serrano Laktaw), Español-Panayano (Gayacao), Bagobo-Español-Bagobo (Gisbert), Sulu at Malay (Haynes),), Magindanao-Español (Juanmarti),

Bikol (Lisboa, Perfecto), Gaddana (Sierra), German-Bontoc-Banaue-Lepanto-Ilocano (Schadenberg).

Ang binigay sa itaas ay iilan lamang sa mga sinulat ng mga prayle sa panahong ito. Ang mas kompletong bibliograpiya ay isinulat ni Jack Ward (1971). Malinaw na malaki ang kontribusyon ng mga Kastila sa linggwistiks sa Pilipinas dahil sa mga panimulang pag-aaral na nagsilbing unang hakbang tungo sa siyentipikong pagsusuri ng mga wika sa Pilipinas sa mga iskolar na sumunod sa kanila. Dagdag nito, ang kanilang mga pag-aaral ay iniingatan ng kani-kanilang mga orden kaya ang karamihan nito ay makikita pa hanggang ngayon, bagama’t nakamicrofilm o nakaarkibo na o naka-exhibit na lamang sa Rare Books ang Manuscript Sections sa kanilang aklatan o sa mga pambansang aklatan.

Next Page : Mga Pag-aaral mula 1898-1998       


Maintained by Mark Rubrico
>>>